Ang huling singhot sa supot na pangkalimot.

malaya1
Photo by Gabriela Silang RN

Ako’y isang batang kalsada
Kumakatok sa mga kotseng pumaparada
Sumisigaw sa mga jeep na pumapasada
Tanging mga makalansing na barya ang pampagana
sa buhay kong walang kagana gana

Salot sa lipunan sa akin ay turing
tipong parang dumi na sa mata’y nakakapuwing
Sino mang aking mahawakan ay mandidiri
mga taong santo na ang tingin sa sarili

Baso ng mcdo ang pansalo sa mga barya
na sa ibang tao’y pabigat lang sa kanilang mga bulsa
Maswerte na sa benteng kinita
Pwede ng pang singhot makalimot lang sa problema

SInubukan kong manlimos kung san may mga sementong matatarik
nagnanais na kumita ng Malaki
Sinita ng guwardya’t kinaladkad pabalik
“Putangina mo magsikap ka, wag ka dito mandali”

Ang pumatay ay wala sa ihip ng aking hangin
Ang mamatay na lang ay madalas na nasa aking isip
Ang mawala ang mga problemang ito ang aking hiling
Ang maglagay ng malagkit na pandikit sa supot ang aking sining

Lumaki akong di kinikilala ng aking bansa
Wala ni isang mga papel na pwedeng ipagpabida
Para ipakita na ako’y walang pinagkaiba
Para ipakita na ako’y inyo ring kapwa

Minsan aking napagtanto kung may diyos bang naninirahan
At madalas tanungin kung bakit niya ko hinayaan
Ano bang papel ko sa mundo na dapat aking ginagampanan
Imbis na gumagapang sa semento makahanap lang ng panghapunan

street-child-sleeping-by-himself1
Photo by Carmela Tacub

Sa buhay kong walang progreso kahit katiting
ang himig ng maulan na gabing kay sarap damhin
Karton ng tsitsirya bilang banig na nagpapainit sa sementong malamig
Pansit na panis sa aking gilid para sa umagang darating
Busina ng mga kotseng nakakarindi
Tulo ng tubig na napakasangsang
Tibok ng puso’y sadyang napaka bilis na
Dibdib ngayo’y may kirot na di maipahiwatig
Sa wakas ang tanging hiling ko ay natupad rin
Ang huli kong hininga ay iaalay ko sa huling supot ng pandikit na aking sisinghutin

Ako’y isang batang kalsada
Kumakatok sa mga kotseng pumaparada
Sumisigaw sa mga jeep na pumapasada
Lumaking sa buhay ay walang pag-asa
Namatay na ni isa’y walang nakakakilala.

Tula ni Carlo Gamino
Paunang Larawan ni Josh Luis Lucas
Himig ng Film Score Booth

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s